Karamihan sa atin ay ipinanganak nang sumusuporta sa Ginebra, mula man 'yan kay Jaworski, o sa era nina Bal David, Noli Locsin, Marlou Aquino, Vince Hizon (sila ang pinaka-paborito ko sa panahon nila), o 'di kaya naman sa henerasyon nina Mark Caguioa at JayJay Helterbrand (siyempre para sa mga ipinanganak bago mag-milenyo).
Titili, sisigaw, makikipag-away sa kabilang koponan (trash talk para sa ilan) para lang maipakita ang pagsuporta sa nag-iisang Ginebra. Nagpalit-palit na rin ng pangalan. May mga manlalaro na ring dumating at lumisan. Nakisaya sa bawat tagumpay. Nakidalamhati sa bawat pagkabigo.
Ganyan ang buhay ng isang die-hard Ginebra Fan... hindi iniiwan ang team hanggang sa huli. Isinasabuhay ang kasabihang, "Never Say Die" hanggang sa huli.
Sa kabila ng pagiging isang tapat na kabarangay, kalakip nu'n ay kung papaano tatanggapin ang mala-basketbol na pangyayaring nagaganap sa team. May magagandang balita at mayroon ding hindi. Tungkol man sa player, sa coach o sa mismong team, lahat ng fans ay talagang apektado sa mga nangyayari.
Tulad ko, maraming beses na nag-sirko ang emosyon dahil sa makailang ulit na pagbabalasa ng mga players ng Ginebra. May mga pagkakataong humagulgol ako dahil ang ibang players na hinangaan ko sa pinakamamahal kong team ay na-trade sa ibang koponan. It's a truth and I was never ashamed that I shed tears to the players I've been supporting to while they're still with my favorite team. Gayunpaman, hindi ibig sabihin nu'n ay iniwan ko ni minsan ang Ginebra dahil lang sa isang player. Patuloy man ako sa pagsuporta sa karera ng isang naturang player subalit hindi ito nangangahulugang nilisan ko na ang balkonahe ng barangay Ginebra. Alam kong ganyan din ang pinagdadaanan ng marami sa atin. Aminin man natin o hindi.
Tandaan natin na ang isang manlalaro ay isa lamang sa mga miyembrong bumubuo ng isang koponan. Ang koponan ang mismong minahal ko, natin, mula noon hanggang ngayon. Maaaring malaking kawalan ang isang manlalaro sa Ginebra pero hindi ibig sabihin nu'n ay tuluyan na tayong mawawalan ng pag-asa na mamayagpag ulit sa ere ang pinakamamahal nating koponan. Maraming dahilan kung bakit nagaganap ang mga pangyayaring ito. Alam natin iyon. At ang gusto ko lamang ipabatid sa lahat na ang pagiging isang die-hard supporter ay masusukat hindi lamang sa bawat panalong tinatamasa natin, kundi pati maging sa bawat pagkabigong nararanasan ng ating team.
May ilang hindi nakakaunawa ng hirap ng pagiging isang die-hard supporter. Mahirap talaga! Mahirap dahil sa bawat panalo natin ay kalakip ang isang malaking ekspektasyon na magtutuluy-tuloy ang magandang ipinapakita ng team, lalo na ng mga manlalaro. Mahirap din na sa bawat pagkatalo o hindi naaayong desisyon mula sa management ay alam nating maraming sisihang nagaganap. Nagkakaroon din ng iba't ibang negatibong kuru-kuro, na kadalasan ay nauuwi sa mga walang katapusang argumento.
At pinakahuli, mahirap dahil hindi mo alam saan huhugot ng lakas para masabi sa sariling, "Pagsubok lang ito. Mahal ko ang team ko. Never say die lang dapat tayo."